Ngayo’y araw na dakila’t, buong mundo ay nagalak,
Parangal sa mga inang, puso mandi’y binusilak,
Tanto ko at damang-dama, pag-ibig niyang walang kupas,
Liwanag ng tahanan ko’t, ilaw na ring walang wagas.
Damang-damang ng ina ko, ang hilahil ko at lungkot;
Puso kong siniphayo, wari man ding kinukurot;
Tinalaga ang sarili, sa anaki’y magbabantay;
Hindi niya alintana, kahit kanyang ikamatay.
Nar’on s’ya anumang oras, na kailanganin ko ang tulong;
Hindi na rin mapalagay, bawat oras ay ginugol;
“Baka mayro’n pang kailangan?” ito’y lagi niyang tanong?
Hindi siya humihinto, panganib may sinusuong.
Pag-ibig ng aking ina, hinding-hindi matawaran,
Walo kaming kanyang anak, binuhay na matiwasay;
Katulong ng aking ama, sa gawaing pumapagal,
Hindi niya alintana, ang hirap na dumaratal.
Kasipagang sadya likas, matiyaga at masikhay;
Ugali niyang walang bahid ni anumang kaimbutan;
Sa tuwinang ngumingiti, sa biro niyang ibibigay;
Malalaman mo sa huli, may aral ding tinataglay.
Displinang tinanggap ko’t, pinili ko na tularan;
Matuto sa tamang landas, akin na ring natutunan;
Walang hampas na lalatay, libong aral kahulugan;
Matuto sa kabutihang, sa pagtanda’y kaagapay.
Sa ‘kin na ring mga pinsan, hindi rin siya nangingimi,
Makita niyang hindi tama, itutuwid itong mali;
Kaya naman kung minsan ay, “Hitler” siyang maturingan;
Pakiwaring mabagsik daw, pero sadyang mabait din.
Tahimik na mga gabi, hindi pa rin humihinto;
Bawat anak binibilang, bago siya matutulog;
Tinuturing na biyayang, mula sa D’yos ay nagmula;
Kayamanang pinagyaman, na hihigit pa sa ginto.
Wala na ring makatulad, si “Gelay” na aking ina;
Sa puso ko’y mananahan, hanggang ako’y nabubuhay;
Bawa’t dalanging sinasambit, siya nawa’y pagpalain,
Ng sa muling pagkikita, ligaya ay makakamtin.
Ginigiliw na Rosariong, tahanang ko’y inilawan;
Pag-ibig na iuukol, mamahaling walang hanggan;
Sa punyagi at pangarap, inspirasyon ko s’yang tunay;
Lalagi ka sa puso ko, hangga’t ako’y nabubuhay.
Biyaya kong tinuturing, anghel ka na ibinigay;
Sa buhay kong uma-andap humihina’t walang sikhay;
Liwanag ng iyong ngiti, ibinigay sa buhay ko;
Ang ningas mo ay tumingkad, nawa ito’y tuloy-tuloy.
Pag-ibig na inu-ukol, walang bahid na masama;
Sa buhay na nilalakbay, tayo nawa ay magkatuwang;
Balakid man o paghihirap, ito’y aking babatahin;
Buhay ko ma’y iaalay, upang ika’y paligayahin.
Minamahal ko ring anak, yaman ko’t aking buhay;
Nilantay na isang ginto, pinili kang mahinusay;
O Abigail na tinurang kayamanang walang maliw;
Pagmamahal ko’t pasakit, buong pusong ibibigay.
Tanging yaman ko kayong, sa akin ay ibinigay;
Paka-iingatan ko habang ako’y nabubuhay;
Dalangin ko sa Maykapal, tayo nawa’y pagpalain;
Pag-ibig at pagmamahal, lagi nawa nating kamtin.