Showing posts with label Bb. Socorro Laniog. Show all posts
Showing posts with label Bb. Socorro Laniog. Show all posts

Monday, June 25, 2007

Paalam na Maestrang Kuring!

Gunita ko’t, gunam-gunam…
(Isang malayang taludturan)

Gunita kong makita ka sa umaga’y sapat na;
Gunam-gunam kong maisip na ika’y laging kasama;
Tanong ko’t balikwas sa isang pakling turing nila;
Walang habas na pagsagot sa inuring palamara!
Gunita kong inasal mong hinabi sa isang tupa;
Gunam-gunam sa diliryong ika’y laging tumatawa;
Pulos dampi ng pighating talos ko rin na daratal;
Walang layong umiwas pa kahit yaong sawing giliw!
Gunita ko ang aral mong sa isip ko’y tumitighaw;
Gunam-gunam na talakay sa talinong iyong bigay;
Kapalarang matiwasay na ‘yong laging pakiusap;
Talos ko rin na sa akin bukas palad na ibibigay.
Gunita ko ang disiplina na sa anyo ng pamalo;
Gunam-gunam na pakiwari, dahil ako’y iyong bunso;
Mahalaga’t itinuring na di iba sa kadugo;
Pagka’t batid na sa panahon, aakayin sa matino.
Gunita ko ang pagiliw na lagi ng sinasambit;
Gunam-gunam na nahirati, tiklop-tuhod sa pagkapit;
Balatkayo’y di naisip pagka’t sadyang iniibig;
Buong buhay ay ibinigay para sa yo’y itinangi;
Mapalad ka o Pulilan, napadpad ang isang Kuring;
Na nagmahal at nabigay ng buhay na ginigiliw;
Pasakit n’yang lubhang tamis di ba’t ngayo’y inani mo?
Sagitan ng mga anak na kahit na saan dako;
Sa relihiyon o palingkuran, pamumuno o serbisyo;
Ilang anak ang tumulad sa paghubog ng talino;
Ilang anak na tumulak mamuhay sa ibang dako;
Inhenyero o kimiko, peryodista o siruhano;
Abogado man o sundalo, ang ngalan mo ay itinanyag;
Kapalarang sadyang sulit, sa turo n’yang walang bahid;
Pagka’t sadyang ang ngalan mo sa puso n’ya iniukit.
Ngayon siya’y pumanaw na’t bilang isang ala-ala;
Di ba’t sadyang tama lamang, na s’ya ngayon ay parangalan;
Kahit sa huling sandali ng buhay nyang itinangi;
Sa dibdib mo ay ihimlay ang pagal n’yang katawan;
Di man sapat ang nakayanang sa saliw ng isang awit;
Paalam na Maestra ko, mahimlay ka ng tahimik;
Mga turo’y di mawawaglit sa puso ko at sa isip;
Kasama ka sa dalangin ko, magulang kong itinuring;
Paalam na, paalam na, aking Maestrang Kuring!


Rene San Andres
Dammam, KSA
27 June 2007