(Sa tula kong ito...Part 3)
Nagniningning sa isip ko’t, naglalaro sa hinagap,
Tangi na’ng ala-alang, kundi man din sa pangarap,
Mga saglit ng kabataang, babalikang walang kurap,
Isa-isang dumadalo’y sa lunduyang puro ulap.
Bahag-hari ang katulad ng kabataan kong makulay,
Masdan mo sa langit, ngiti sa labi ay nakasilay,
Dulot nitong kasiyahan, sa nakalipas na pag-ulan,
Bahagi ng isang pangako’t paalala ng Maykapal.
Binalikan ko’ng nakara’ay, yaong tigib nitong saya,
Isa-isang pinupulot, sa isip kong mapurol na,
Bawa’t tagpo na maisip, ako pala’y natatawa,
Pati itong katabi ko, iniisip sa ‘ki’y iba.
(Baka raw kasi ako’y, name-mental na!)
Ako baga’y si Totoy n’un, naglalaro sa kaparangan,
Hinahabol ang anumang makita kong gumagapang,
Lukso dine, lukso duon, wala akong kapaguran,
Di ko na alintana, ang pawis ko sa likuran.
Madalas na manghuli rin, ng kulisap na lumilipad
Tipaklong o lukton man, anong lakas magsilundag,
Pero eto at dumating isang katotong mapang-inis,
Bawa’t hakbang na palapit, kanya itong pinapalis.
(Kaya naman bilang ganti, kapag huhuli ng tutubi,
Kakantahan ko ng bigla, walang gatol pasintabi’
‘TUTUBI, TUTUBI, ‘WAG KANG PAHUHULI,
PALAPIT NA SA ‘YO, BATANG MAPANGHI!)
Inaakyat ang matayog, punong bayabas o mangga man,
Walang sawa sa pagkain, hinog kaya o manibalang,
Dala-dala sa bulsa ko, asin kaya o bagoong,
Lalantakang mga bunga, sapat-sapat na masiyahan.
Akin na ring aayain, ibang katoto’t kababata,
Dadako sa kabukiran, pagkatapos ng anihan
Natitirang mga palay, amin itong pupulutin
Ang pumpong na maiipon, amin namang gigiikin
Tutulungan ko si Amang mag-ipon ng giniikan,
Ito kasing si Kalakian, wala man ding kabusugan,
Matapos na isuga ko, duon sa kaparangan,
Dayami at pulot naman, kanya namang babanatan.
Sa pagsapit ng tag-ulan, kidlat kulog nagsalimbayan,
Hindi ako makalabas malakas kasi itong ulan,
Pero ako’y natutuwa’t, iba na namang karanasan
Isusulat sa isip kong, natatanging kaganapan.
Itong “kwak, kwak” ng mga itik, sa umaga ang panggising,
Tilaok o putak kaya ng mga manok na putatsing,
Asahan mong sa pugaran, itlog nila’y bibilangin,
Bahala na kung alin, uunahing kukuhanin.
Kapagdaka si Kalakian, ayun at gutom na naman,
Unga dine, unga duon p’wet mandi’y sinilihan,
Ako nama’y maaawa’t, ikukuha ng giniikan
Saka ako mabibigla sa ‘king bagong natuklasan.
(Kagabing malakas ang ula’t kulog kidlat nagsalimbayan,
Merong milagrong nangyari na’t ito ngayo’y tinuturan,
Munting payong na nagsulputan, sa puno ng mandalaan,
Kabuteng anong sarap ayu’t biglang nagsulputan,
Kaya ngayon pag kumulog, ako na ri’y natutuwa
Sa paniwalang may kabuteng susulpot na lang bigla!)
Dating gintong kaparangan, unti-unting nananariwa,
Mga damo at halaman unting-unting nagsibulan,
Bawa’t hakbang ko at lundag, nakiliti ang pang-yapak,
Saka ako mahihiga, sa damuhang parang papag.
Mga mata ay matalas, bawa’t kilos ay mabilis,
Pinitak na inararo, ngayo’y playground ang kawangis,
Lumulundag na palaka, baka di mo mahuli,
Uuwi kang luhaan, pati damit ay marungis.
(Sa di kalayuan ako pala’y minamasdan,
Ni amang kanina pa, palihim na natatawa,
Tulad ko ra’y isang bagong ipinanganak na baka,
Ekis-ekis itong tuhod, dahil ako’y isang lampa)
Sa wari ko’t gunam-gunam wala pa ring kasing-saya,
Itong aking kabataang, sa malas ko’y lumipas na
Sa puso ko at sa isip hindi ito makukuha,
Lilipas lang at sa huli, ikukwento sa balana.
Talos ko ring ang kabataa’y lumilipas nawawala,
Para itong bulalakaw, sumisibat na paibaba,
Katulad di nitong alon, lumalakas humuhupa,
Kapag tapos na sa dagat, huminahon itong sigwa.
Kaipala ay darating ang oras na mawawala,
Dating sigla at lakas kong, bagun-tao ang kamukha
Sa darating na panahon, wala na ring magagawa
Kundi na lang gunitai’t, pasalamat kay Bathala!
Tuesday, December 25, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment