Sa tula kong ito, ako sana’y pagbigyan..
(Part 1)
>Nais ko sa bayan….
>Kapayapaan at kalayaan, sa bayan kong ginigiliw.
>Turol ko na ang kailangan, pero sadyang walang bangis.
>Kahirapan sa kalahatan, yaman lang ng iilan
>Sa lakas ng bisig kong, dayuhan ang nakinabang
>Tahanan ko ay binuksan, ngunit kanilang dinustaan.
>Saan ko pa hahanapin, itong aking kapalaran,
>Duon kaya sa malayong lupain at kaparangan,
>Ligaya ko’y iniwanan, ala-ala’t kabataan
>Upang bigyan kasagutan itong aking karukhaan.
>Tanging bakas na iniwan ko, nuong ako ay lumisan,
>Kagandahang asal….
>Sadyang hindi maiwaksi, ang bisyo na laging gawi,
>Sa tuwinang umuuwi, anu’t walang atubili,
>Dili baga’t dadalawin kaibigan at pintakasi,
>Paaralang hinubugan nitong aking katauhan.
>Isang aral na ibinigay, katauha’y pagbutihin,
>Ng sa ganoon sa bayan ko malaki ang maging silbi,
>Sa pagtulong sa kapwa ko, sa kasamaa’y atubili,
>Ipagtanggol ang mahihina, mga taong inaapi,
>At sa Diyos isusulit ginawa kong mabubuti.
>Ako….
>Sa panahon na nagdaang, kabataan ay lumipas,
>Natuto’t nabuhay na lumalaban ng parehas,
>Walang layunin na masama, sumusunod sa batas,
>Ngunit sadyang may iilang, lubhang ganid at marahas,
>Kaya’t itong pag-iisip, tumitibay, lumalakas.
>Layon kong mamuhay ng payak at matuwid,
>Bawat pisong kinita ko’y, dugot pawis ang kapalit
>Tahanan ko’y ipinundar, sa sikap ko at punyagi,
>Kaya duo’y nananahan, pag-ibig na lubhang tangi.
>Ikaw..
>Paano mo nakilala, tanging kabiyak ng ‘yong puso,
>Hindi baga’t sa tuwina sa suyua’y narahuyo,
>Walang oras at sandaling, di nais na magkalayo,
>Pagka’t sadyang iningatan pag-ibig sa talingsuyo,
>Mata’y laging nagniningning, isip laging natuliro
>Tanging layo’y ligaya n’ya, walang puwang na mabigo
>Sa supling na iluluwal, ginhawa sa una’t bunso.
>Nuon..
>Ilang singkad na panahon, sa atin ay lumipas pa,
>Pero sadyang ‘di malimot, sa isip ko’y tumatak na,
>Ligaya ng kabataan, nuon ko lang natamasa,
>Sayang’ walang kahulilip, pagkat sadyang mahalaga,
>Nuon ko rin naranasang, umibig sa kaiskwela,
>Karanasa’y itinatak, kahit bigo nuong una,
>Damdamin ko ay nasaktan, parang mundo ay tumigil,
>Pero dahil sa ‘Puppy Love”, ako ngayon ay bigatin,
>Pag-ibig kuting na inihayag, iyon pala ang panggising,
>Minsang tulog na damdamin, ngayo’y h’wag ng susubukin.
>IKaw ba yan?…
>Sa panahon na darating, tayo ay magkikita
>Larawan mo sa king isip, naglalarong parang paslit,
>Payak na katauhan nuo’y aking babalikan
>Sa darating na panahon, pagbabago ay titingnan,
>Ang bikas mo nuong una, siguradong mag-iiba
>Ikaw kaya ay yumaman at gumanda ka pang tunay,
>Ikaw kaya ay tumangkad at kumisig yaong tindig,
>Baka naman katawan mo, bariles na ang kahugis,
>Makapal na buhok nu’on, “top gone” na ang kawangis,
>Katayuan sa lipunan, siguradong iba na rin.
>Sa muling pagkikita, ito’y ating mapapansin.
>Ikaw pa rin..
>Kahit mukha mo’y nabago, pigura mo’y nadiskaril,
>Wala namang nanatili, sa kabataang magmamaliw,
>Wala akong itatangi, kundi ikaw at ikaw rin,
>Dahil hindi ang panglabas, ang sa aki’y susuriin,
>Kundi ikaw na ‘klasmeyt’ kong, nagbago man o sa hindi,
>Bahagi ka ng buhay ko, ng panahon sa “Dominic”,
>Ituturing pa rin kita’t, sa puso ko’y di ‘wawaglit,
>Tanging ‘yong ala-ala, gintong-yamang natatangi,
>Pagka’t kahit kailan pa man, ikaw sa ki’y mananatili!
>Mabuhay ang bayan at ikaw, klasmeyt ko!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment