Sa Tula Kong Ito, Ako Sana’y Pagbigyan…
Part 2….
Bayan kong sinilanga’y dili iba’t ang Pulilan,
Mga binata’y makikisig, dilag nama’y maririkit,
Sa tahanan nitong ama, palamuti’y nangagsabit,
Tanda ng kasaysayang walang patid iniukit.
Sa pagpasok mo sa Longos, kalabaw na nakaluhod,
Ang sa iyo ay bubungad, masdan mong buong lugod,
Sagisag ng isang lahing, sa D’yos Ama nananalig
Paniwala sa Maykapal, lahat yao’y binubunyi.
Ang Longos na nuong una’y tahanan nitong PI,
Eskwelahang humubog din, isip mandi’y pinapanday,
Kahit tabi nitong ilog, at sa isip na mahusay,
Hindi na rin malilimot, ang talino sa pagsikhay.
Dumako ka pa roon, at Sto Cristo’y sasapitin,
Lugar ng mga Ochoa, dakilang tao’t pinuno rin,
Mga tao’y mababait, bukas-palad sa pagtulong,
Katangiang sadyang likas, karangalang yumayabong.
Kung lalakad pakanluran, sa Cut-cot ay magagawi,
Dito dati ang kiskisa’y ang hilera’y walang patid,
Inaning palay sa kabukiran, dito lahat gigilingin,
Sa pagdating ng tag-ulan, ay kaysarap na sinaing.
Saan mo ba makikita, unang tangke ng gasolina.
O Rural Bank ng Pulilan, marami ring natulungan,
Hindi baga at sa Paltao, na susunod sa iyong dalaw,
Kasingtamis ng kakaning, apelyido ni ka Islaw.
Ilang Dampol baga may’ron, di ko yata matandaan,
Pero sulit na puntahan, lalo na kung sa tag-araw,
Di na rin malilimot, penitensyang pinagmasdan
Tiwala sa kakayahang maghugas ng kasalanan.
Mga Dampol ring ito, tinatahak na baybayin,
Ilog Angat na sagana, sa tilapia at ayungin
O kaya ay maglunoy, at sa tubig na kaylamig,
Ginhawang dulot nito, sa kalamna’y sumisigid.
Kung sa tag-araw ding yaon at namasyal pa-hilaga,
Dulong Malabon ang tutugon sa pagod mo’t pagkauhaw
Ilang kusing ang kailangan, sa bulsa mo’y di aapaw,
Milon kaya o pakwan pa, lantakan mo buong araw.
Sa saliw ng ilang himig, ikaw kaya ay umindak,
Ensayo ng musikerong, walang humpay sa pagbirit.
S’an kaya matutunton dili baga at sa Lumbak,
Mahal na Senyor na patnubay, pintakasi kong ring tunay.
Sa Poblaciong itinangi, binibini’y bumibihag
Ng isip at kakayahang namulat sa kagandahan
Mga binatang na sa gilid mga taring kung turingan
Disiplina sa sarili’y aral na ring nasilayan
Sikat nuo’y Sine Aida, nang malao’y bolingan
Katabi nitong giliw, minumutya kong paaralan
St Dominic na tuwina, sa isip di nawawaglit
Ninais kong makita ka’t madalaw ding ilang saglit.
Lagi ka ba sa munisipyo, nitong bayang tinuturol?
Saan ka ba nahirati, pag napagod yaong binti,
Espesyal na halo-halo papremyo na ituturing
Ilang hakbang mula dito’t narating mo na ang langit.
Sentro ng kasiyahan t’wing katorse nitong Mayo
Lahat-lahat ay luluwas sa karitong may adorno
Hila-hila ni kalakian, sa karera ay panalo
Kapagdaka’y lumuluhod, nagpupugay kay San Isidro.
Kapag ika’y pa-hilaga .mga nayong mararating,
Tenejero’t Penyabatan, kabukira’y walang patid,
Nahuhuling nga isda, sa tubigang malilinis
Sarap nito pag ini-ihaw sa ulingang nagdidikit.
Ngayon kaya’y makilala, kung bago na ang Parokya
Birhen Mariang Milagrosa, pintakasi ng balana
Dating nayong natutulog, ngayo’y gising sa pagsamba
Dinalanging mga biyaya, sana laging makamtan pa
Bakit kaya kakatuwang, ang hanggahan ay kalsada
Mga nayong Balatong A sa silangan ay makikita
Katapat nitong nayon, Penyabatan sa kanluran
Dati namang magkasama, isang pusod pinagmulan.
Dangan kasi’t makikisig mga binata sa silangan
Di naman pahuhuli mga dalaga ng kanluran
Sa saliw ng isang awit, lahat nama’y sama-sama
Sa sayawan o awitan, wala namang kapaguran.
Huwag ka ng pahuhuli’t, tuwing umaga’y liliksihan;
Sariwang gatas o isda man, sa Inaon ay agahan;
Magsasakang masisipag, mga inang masisinop
Kahit kaila’y di dadanas ng anumang pagdarahop.
Kasabihan na mabini, itong Birheng Peregrina
Mga dalaga sa nayon n’yay ito’y laging paalala
Kaya naman ang binatang minsan dito ay mapadpad
Asahan mong sa pagbalik, kasal agad hinahangad.
Kahit saan ka dumako, sikat ngayon itong Pugpog
Malinis na paliguan, sadyang di mo malimutan
Tingnan mo rin kapalaran dulot nitong kababaan,
Tunog nitong mga motor, ngalan nito’y pinagmulan.
Sinadya kong ipahuli, ang baryo kong sinilangan
Baka kasi pag pinuri ako’y inyong mapulaan
Balatong B na sa pangalan inyo na ring katuwaan
Sa ibang salita kasi munggo lang ang kahulugan
Dito kasi sa baryo ko’y wala akong kakayahan
Dangan kasi wala namang maisip na katangian
Aha! meron pala, ito kasi ay manggahan
Piko’t kinalabaw , masarap din na pahutan.
Simple lamang at payak itong aking sasabihin
Balatong B na baryo ko, na tahanan ko pa rin
Isang tao ang isinilang at sa iyo ay nabuhay
Ako itong iyong anak, na makata kung mangusap.
Dangan kasi at kinulang, panahon ko at sa oras
Meron pa ring ilang baryo, na di ko man mahagilap
Ngalan nya’t katangian, lugar kaya at direksyon
Nahalata tuloy itong, memorya kong pumupurol.
Hayaan n’yo sa susunod, isusulat ko sa iskrol,
Listahan nitong bayan, sa Pulila’y walang gatol,
Bigyan kaya ng panahon, itong aking pananaghoy
Niluma kong mga bigkas sa tulang pinupukol.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment